Campus Trio Part 23-24 | m2m pinoy stories

By Daredevil

Part 23

Pagkadating nina Andrew at Troy sa venue ng birthday celebration ni Bryan ay sinalubong sila ni Michael at dinala sa kanilang magiging mesa.

Habang nakaupo ay pinagmamasdan ni Andrew ang paligid. Namamangha siya sa kanyang nakikita palibhasa ay unang pagkakataon niyang makadalo sa ganoong kalaki at magarbong okasyon. Sadyang pinaghandaan at ginastusan ang mga dekorasyon sa loob pati ang malaking streamer sa entablado na ang nakasulat ay ang pagbati kay Bryan.

Ngunit sa kabilang banda ay medyo naiilang pa rin siya. Hindi nakaligtas sa kanya ang mga tingin sa kanya ng mga bisitang naroon. Pakiwari niya ay pinag-iisipan na siya ng hindi maganda ng mga iyon.

"Huwag mo na silang pansinin. Tayo lang kasi ang naiiba dito." ang bulong sa kanya ni Troy. Tama nga naman dahil silang tatlo lang bukod kay Bryan ang mga lalaki na naroroon.

Dahil sa kasikatan ay pinagpiyestahan ng mga kababaihang naroon sina Troy at Michael. Halos sila na ang naging usap-usapan doon. Samantalang si Andrew ay napapayuko na lang. Pakiramdam niya na out of this world siya.

Inakbayan siya ni Troy na ang isang kamay ay humahaplos sa kanyang balikat. Sa kabila ng pagiging abala sa pag-entertain sa mga kababaihan ay hindi niya magawang alisin ang kanyang atensyon kay Andrew. Gustong iparating ni Troy kay Andrew na ayos lang ang lahat at hindi siya nag-iisa.

At makalipas ng halos sampung minuto ay nakarinig sila ng paghiyaw hudyat na dumating na ang kanilang pinakahinihintay.

Tumingin si Andrew sa pinto kung saan nag-uumpukan ang mga bisita. At pumasok doon si Bryan kasama ang kanyang ina. Nginitian sila ng mag-ina habang papunta sa entablado.

Nang makarating ay agad hinanap ni Bryan si Andrew. Napangiti siya nang makita niya ito sa isang mesa kasama sina Michael at Troy na katabi niya. Hindi ito nakaligtas sa kanyang ina.

"Good evening ladies, Nandito na ang inyong pinakahihintay ang ating birthday boy, Mr. Bryan Sebastian!" ang pahayag ng babaeng emcee na nagpahiyaw sa buong auditorium.

Tumayo si Bryan at kumaway sa lahat ng naroroon.

"Yan. Talagang napakaguwapo niya. So alam naman natin na maliban sa kanyang birthday ay ngayon din ang araw ng mga puso. Kaya sa gabing ito, may isang big surprise ang kanyang mom na si Dr. Sebastian sa ating lahat. At ito ay malalaman natin maya-maya lang. For the meantime kantahan na natin si birthday boy!"

Habang kumakanta ay pasimpleng sinusulyapan ni Andrew si Bryan. Hindi niya magawang titigan ito ng matagal dahil katabi niya ang kanyang ina na nakatingin din sa kanya. Iniisip na niya kung paano mabibigaydito ang kanyang regalo.

Matapos magsalita ang emcee ay bumaba na nang entablado si Bryan samantalang ang kanyang ina ay lumabas. Napansin naman ni Andrew na papalapit sa kanilang kinaroroonan si Bryan kaya agad siyang nagpaalam kay Troy na kukunin ang kanyang regalo sa sasakyan nito.

"Saan pupunta si Andrew?" ang agarang tanong ni Bryan sa dalawa nang mapansin ang pagmamadali ni Andrew.

"Ah wala may kukunin lang sa car tol." ang sagot ni Troy sa kanya. "Hintayin mo na lang siya pabalik na iyon."

"Naks naman tol si Andrew talaga ang hinanap mo ah." ang pangangantsaw sa kanya ni Michael.

"Siyempre naman ngayon na ang pagkakataon na makakapag-usap kami ulit."

"Hindi halata na miss mo siya ano."

Isang ngiti lang ang ibinigay sa kanila ni Bryan.

Samantala, habang naglalakad si Andrew papuntang parking lot kung saan naroroon ang kotse ni Troy ay napansin niya ang isang napakagarang sasakyan. At sa pagbukas ng pinto ay iniluwa roon ang isang babae. Hindi na niya sana bibigyan ng pansin iyon nang makita niya ang pagsalubong ni Dr. Sebastian sa babaeng iyon. Sa tingin niya ay magkakilala sila. At doon nagsimulang kabahan si Andrew tulad ng parehong pakiramdam nung matanggap niya ang imbitasyon. Gayunpaman ay isinantabi ulit iyon ni Andrew at nagpatuloy sa pagkuha ng regalo na ibibigay kay Bryan sa kotse.

Nang makabalik si Andrew ay nakita niya si Bryan na ngayon ay pinagkakaguluhan ng mga babae. Ngunit hindi naging sagabal ang mga nakapalibot sa kanya para hindi nito mapansin ang kanyang pagbabalik.

At sa paglapit sa kanya ni Bryan ay napansin nito ang kanyang dala.

"Kamusta ka na?" ang tanong niya kay Andrew na nakangiti ng ubod tamis. 

"A-ayos lang naman. Happy birthday nga pala. Ito pala ang rega..." ang isasagot sana ni Andrew nang biglang magsalita ulit ang emcee.

"Ladies, its time para malaman natin ang big surprise ni Dr. Sebastian para sa ating lahat!"

"Good evening to all the ladies of the university. Ngayong gabi ay pinagdiriwang natin lahat ang kaarawan ng aking panganay na si Bryan. Alam ko na inaabangan niyo kung ano ang aking surpresa sa gabing ito. Matagal ko nang pinag-isipan at pinaghandaan ito. Ang nais ko lang ay matuwid ang landas na tatahakin ng aking anak sa hinaharap at magkaroon ng normal na buhay."

Nagulat si Andrew sa biglaang tingin sa kanya ni Dr. Sebastian nang ipahayag niya ang mga salitang iyon. Inisip agad niya na patama sa kanya ang mga iyon. Lalo tuloy siyang kinabahan at nangamba.

Napayuko na lang siya sa mga oras na iyon. Kung hindi lang dahil kay Troy ay matagal na siyang lumabas ng auditorium at umuwi.

Hindi naman nakaligtas kay Troy ang naging reaksyon ni Andrew sa pinukol na tingin sa kanya ni Dr. Sebastian. Kaya sa ilalim ng mesang iyon ay hinawakan niya ang kaliwang kamay ni Andrew at marahang pinisil iyon pahiwatig na magiging ayos lang ang lahat at naroon siya upang umalalay sa kanya. Sa panig naman ni Andrew ay nakatulong iyon upang maibsan ang nararamdaman niyang kaba ngunit hindi naging sapat ito upang alisin ang lahat.

"Kababata ni Bryan sina Michael at Troy at kasabay ng kanilang paglaki ay nagkaroon sila ng isa pang kaibigan. She was our former neighbor. After graduation of high school they migrated to Canada. Dahil sa kanyang pag-alis ay sobra silang nalungkot lalo na ang aking anak. At kamakailan lang ay nagbalik na siya." ang pagpapatuloy ni Dr. Sebastian.

Halata ni Andrew sa kanyang mga kasama sa mesa ang pagkabigla sa mga narinig. Isang nagtatakang at nagtatanong na tingin ang ibinigay niya sa kanila. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang bulungan ng mga taong naroon.

At ang sumunod na sinabi ng ginang ang siyang sasagot sa lahat ng kanyang mga iniisip mula panung matanggap niya ang imbitasyon.

"Ngayon narito na siya ang babaeng magiging fiancee ng aking anak, Please all welcome Sarah Concepcion!"

Isang magarbong palakpakan ang sinalubong ng mga panauhin sa isang babaeng umakyat ng entablado. Maputi at makinis ang kanyang balat, mahaba ang buhok at ang lalong nagpatingkad sa kanyang kagandahan ay ang suot niyang puting dress. Simple lang ito ngunit talagang bumagay sa kanya. Nilapitan niya ang gulat na gulat na si Bryan. Inabutan siya ni Dr. Sebastian ng mikropono.

"Magandang gabi sa inyong lahat lalo na sa iyo Bryan. Happy birthday! Wow ang laki mo na at mas lalo kang gumwapo" ang pagpuri sa kanya ni Sarah sabay hawak sa kanyang mga pisngi na nagpakilig sa lahat. Si Bryan ay nakatitig lang sa kanya.

"Kailan lang uhugin ka pa at iyakin. Ako pa nga ang nagtatanggol kapag may nanunukso sa iyo o inaasar nina Troy at Michael. Pero ngayon ang tangkad mo na at macho!" ang kanyang pagpapatuloy sabay pisil sa mga malalaking braso ni Bryan.

At sa pagkakataong iyon habang abala sa pakikinig at pagtatawanan ang mga kababaihan ay tila nabingi na si Andrew sa mga sumunod na sinabi ni Sarah. Nangingilid na ang kanyang mga luha habang nakayuko. Nagpasya siyang lumabas muna ng auditorium. Sinundan naman siya ni Troy.

"Andrew."

"Ayos lang ako Troy. Sige bumalik ka na doon sa loob." ang kanyang pahayag sabay pahid ng mga namumuong luha sa kanyang mga mata.

"Ok." ang tugon nito.

Sa isang sementong upuan malapit doon umupo si Andrew. Habang pinagmamasdan ang mga taong palakad-lakad ay iniisip niya ang mga nangyari. Bigla naman niyang naalala ang naging hula sa kanila ni Bryan nung araw na nagsimba sila sa Quiapo.

"Ito na siguro ang sinasabi niyang pagsubok. Kaya pala iba na pakiramdam ko kahapon pa." ang nasabi niya sa kanyang sarili.

Matapos ang halos kalahating oras ng kanyang pagmumuni-muni nang maisipan na niyang umuwi na lang tutal wala na ring saysay na manatili pa siya roon. Kaya bumalik siya sa auditorium para magpaalam sana kay Troy at ipaabot na lang ang kanyang regalo kay Bryan na nakalimutan din niya sa mesa na kanilang pinuwestuhan.

At doon niya nakita ang masayang-masaya na si Bryan habang kasayaw si Sarah. Mas lalong bumigat ang kanyang naramdaman sa mga oras na iyon lalo na nang maalala niya ang naging pahayag ni Dr. Sebastian kanina habang pinapakilala ang dalaga.

"Ang nais ko lang ay matuwid ang landas na tatahakin ng aking anak sa hinaharap at magkaroon ng normal na buhay."

"Ngayon narito na siya ang babaeng magiging fiancee ng aking anak, Please all welcome Sarah Concepcion!"

Tulad na rin ng sinabi nito sa kanya sa pag-uusap nila nung araw na pinahinto siya sa pagtutor ay naisip ni Andrew na talagang gusto ng ina ito ay ang magkaroon ng sariling pamilya ni Bryan sa pamamagitan ni Sarah. Kahit saang anggulo tignan ay tama naman ang ginawa nito kahit pa masakit sa ito kanya.

"Tama si Mam Sebastian. Panahon na para itigil na natin ang relasyong meron tayo." ang sabi niya sa kanyang sarili.

At dahil dito, isang desisyon ang nabuo sa kanyang isipan.

________

Hindi maitatago ni Bryan ang kasiyahan sa pagbabalik ni Sarah. Sa halos ilang taon nitong pagkawala ay kailanman na hindi siya nawala sa kanyang isipan. Talagang nabighani siya sa ipinamalas na kagandahan ng dalaga. Dahil dito ay nawala na sa kanyang isipan si Andrew at hindi na niya namalayan ang pag-alis nito.

Nagkaroon ng sayawan matapos ang eksenang iyon. Hindi naman mawala ang ngiti sa mukha ni Bryan habang isinasayaw niya ang kababatang si Sarah.

"My turn." ang paanyaya naman ni Troy sabay lahad ng kamay na maisayaw ang dalaga.

"Sure." ang nakangiting tugon ni Sarah.

Pumunta si Bryan sa kinaroroonan ni Michael.

"Happy?" ang masayang tanong nito sa kanya.

"Oo naman. I cant believe na magiging ganoon siya kaganda tol." ang naibulalas niya dala pa rin ng kanyang pagkamangha.

At doon lang niya biglang naalala si Andrew. Agad niyang nilibot ang mata sa paligid upang hanapin ito at nang hindi nakita ay tinanong niya si Michael.

"Tol nasaan pala si Andrew?"

"Lumabas siya eh." ang simpleng sagot nito.

Agad siyang lumabas para hanapin ito ngunit nabigo lang siya. At doon niya narealize na baka umalis na ito dahil sa nangyari.

Nakaramdam naman siya ng pagkabahala kaya bumalik siya sa loob at kinausap si Troy. Sakto namang katatapos lang nito isayaw si Sarah.

"Kanina pa lang habang pinakilala ni Tita si Sarah bilang fiancee mo ay nakita ko na lubos siyang nasaktan. Kaya lumabas muna siya. At kung hindi mo na siya nakita, marahil ay umuwi na nga siya." ang sabi sa kanya ni Troy.

"Mamaya pagkatapos nito o bukas kakausapin ko siya. Ipapaliwanag ko sa kanya ang lahat." ang sagot naman ni Bryan na nababahala pa rin para kay Andrew.

"Sa tingin ko dapat hayaan mo muna siyang mapag-isa"

Tutol man ay naisip ni Bryan na tama si Troy. "Sige tol ikaw na muna ang bahala sa kanya. Subukan mong ipaliwanag sa kanya ang lahat."

"Ok I'll try. Teka nga pala may gift pala siya sayo." si Troy sabay abot sa kanya ng regalo na naiwan ni Andrew.

"Salamat." ang kanyang tugon. Napangiti siya nang makita niya ang  teddybear.

"Wow kanino galing yang ang cute naman?" si Sarah nang mapansin ang hawak ni Bryan.

"Ah wala ito regalo lang ng isang estudyante."

"Ok. So tara na kain na tayo." ang yaya ni Sarah sa kanila.

Naging maayos naman ang pagtatapos ng selebrasyon na iyon.


------------------------------------------

Part 24 - Pinoy M2M

------------------------------------------

Madaling-araw na ngunit hindi pa rin dalawin ng antok si Bryan.Habang yakap niya ang teddybear ay inaalala niya si Andrew. Hindi siya mapakali lalo na't alam niya na nasaktan ito sa nangyari.

Nais na niyang puntahan ito, para sabihin at ipaliwanag na ang Mama lang niya ang may pakana ng lahat. Na kahit masaya siya sa pagbabalik ni Sarah ay hindi iyon dahilan para mabago ang nararamdaman niya dito.

"Sobrang nagustuhan ko Andrew. Happy Valentines." ang kanyang sinabi matapos mabasa ang maikling note na nilagay ni Andrew sa teddy bear.

"Thanks for this gift." ang kanyang pagpapatuloy sabay yakap dito.

Sobrang siyang nalungkot lalo nat naisip na ang maaaring maging kahinatnan ng mga nangyari.

"Hindi ito pwede." ang sabi niya sa kanyang sarili sabay lakas loob na bumalikwas ng higa at nagpalit ng damit.

Matapos iyon ay nagmadali siyang lumabas ng silid at bumaba. At napahinto siya sa taong humarang sa kanya sa pinto.

"Hindi mo siya pwedeng puntahan anak."

"Gusto ko lang siya kausapin Ma."

"At ano naman ang sasabihin mo sa kanya? Are you going to tell him na plano ko lang ang lahat ng ito? Masaya ka naman sa ginagawa ko di ba?"

"Thank you sa ginawa mo. Pero si Andrew lang ang kukumpleto sa kasiyahan ko." ang deretsahang pahayag nito.

"Tumigil ka na sa kahibangan mo! Fiancee mo na si Sarah."

"Ikaw lang ang nagsabi niyan. Alam mo ba Ma, sawa na ako sa ginagawa niyong pagkontrol sa buhay ko. Malaki na ako at may sariling pag-iisip."

 "Aba sumasagot ka na ha. Nagiging bastos ka na. Hindi ka na marunong rumespeto. Iyan ba ang tinuro sa yo ng Andrew na iyon. O yan ang natutunan mo sa squatters na tinitirahan nila."

"You have no right na pagsalitaan siya ng ganyan!" tumaas na ang kanyang boses sa mga oras na iyon. "Nakakahiya ka Ma. Mataas ang pinag-aralan mo pero hindi mo naman ginagamit. Tama bang manghusga ng tao."

"Bryan!" napasigaw na ang kanyang ina.

"Totoo naman di ba. Alam mo bang siya ang nagpabago sa akin. Siya ang nakapagparealize sa akin ng mga maling bagay na ginagawa ko. Sa kanya akong naging masaya at natutong magmahal ng totoo."

"I cant believe this." ang nagtitimping pahayag ng kanyang ina.

"Ayoko nang makipag argumento sa iyo Ma. Please lang payagan niyo na ko."

"No!"

Napapailing na lang si Bryan na bumalik sa kanyang silid. Alam niyang hindi siya mananalo sa kanyang ina. Bukod sa magulang niya ito at mas matanda, nangangamba rin siya sa magiging epekto nito sa pagaaral ni Andrew, na baka tanggalin na nito ang kanyang scholarship.

__________ 

"Ngayon ko lang ulit nakita ang anak ko na sobrang malungkot matapos mamatay ang kanyang ama." ang sabi ng ina ni Andrew sa kakauwi lang na si Troy.

"Kanina lang kinausap ko siya at sinabi niya sa akin ang lahat. Masyado nang sinaktan ng mag-inang iyon ang damdamin ng aking anak!" ang naibulalas ng kanyang ina dahil na rin sa sama ng loob.

"Nung una ko pa lang siya makita sa totoo lang ay may pag-aalinlangan ako sa motibo ni Bryan. At sa paglipas ng mga araw ay nakuha niya ang loob ko kaya napapayag niya agad ako sa pagkakaroon nila ng relasyon. Inunawa ko na lang si Dr. Sebastian sa pagpapahinto niya kay Andrew. Pero iba na ngayon. Pinagplanuhan nila ang pagpapahiya at pinaglaruan lang ng kaibigan mo ang damdamin ng aking anak."

"Naiintindihan naman ni Troy ang mga sinabi ng ina ni Andrew. Bilang ina ay nasasaktan din ito sa nakikita niyang kalagayan ng kanyang anak.

"Alam ko po ang nararamdaman niyo Tita." ang tugon ni Troy. "Ngunit tulad po ni Andrew ay naging biktima rin si Bryan ng sitwasyon. Hindi rin niya inaasahan at nagustuhan ang mga nangyari." ang kanyang pagpapatuloy. Sinubukan niyang depensahan ang kaibigang si Bryan.

"Pasensya na Troy sa mga nasabi ko. Siguro tama ka pero hindi iyon dahilan para mabago ang tingin ko kay Bryan. Kaya nakapagdesisyon na ako. Hanggat nabubuhay ako ay ipaglalaban ko ang aking anak. Hindi ko na pahihintulutan pang lapitan ng kaibigan mo ang aking anak."

Kita ni Troy sa ina ni Bryan ang sobrang galit kahit pa na medyo nanghihina na ito. Kaya pinili na lang muna niya ang manahimik.

Habang nag-uusap sina Troy at ang kanyang ina ay tuloy pa rin sa  pag-iyak si Andrew sa loob ng kanyang silid.

"Ngayon na lang ako iiyak. Hindi pwede na habangbuhay na lang ako magpaalipin sa kalungkutan dail lang sa nararamdaman ko kay Bryan. Dapat na akong magmove-on at magsimula ulit." ang sabi niya sa kanyang sarili.

Ilang minuto pa ang lumipas nang maisipan niyang lumabas ng silid. At doon nakita niya ang kanyang ina na natutulog sa sofa. Agad niyang nilapitan ito.

"Kamusta ka na anak?" ang nag-aalalang tanong ng kanyang ina nang magising ito.

"Ayos lang po nay. Huwag kayong mag-alala." ang kanyang tugon sabay ngiti.

"Mabuti naman kung ganoon. Ano na ngayon ang balak mo anak?"

"Sa totoo lang po ay sobrang nalulungkot p rin ako. Ngunit naisip ko na hindi dapat ito maging dahilan upang gawin kong miserable ang aking buhay. Ako na mismo ang gagawa ng paraan nay. Naisip ko po na tuluyan ko nang iiwasan si Bryan upang di na lumala pa ang sitwasyon. Puputulin ko na po ang aming relasyon"

"Paano mo naman sisimulan iyon anak?"

"Balak ko pong tapusin na lang ang school year nay."

"Teka ibig sabihin nito hihinto ka sa pag-aaral mo? Paano na yung scholarship mo?"

"Hindi po ako titigil nay. Lilipat na lang siguro ako sa isang state university. Tungkol po sa scholarship, may pangamba na akong maaapektuhan na ito lalo na ang Mama ni Bryan ang nagbibigay sa akin nito. Kaya naisip ko po na mag part-time job. At habang wala pa akong nahahanap ay babalik ako sa pangangalakal. Isasabay ko na rin ang paghahanap ng trabahong mas malaki ang sahod."

Agad niyakap ng ina ni Andrew ang anak sabay haplos ng ulo nito.

"Hindi madaling desisyon ang gagawin mo anak. Hayaan mo, narito lang ako para gabayan ka. Magtutulungan tayo anak, kakayanin natin ito." ang pagpapalakas ng loob ng ina ni Andrew sa anak.

Ang pag-uusap na iyon ng mag-ina ay pinakinggan lahat ni Troy. Lalo siyang humanga kay Andrew sa pinapakita nitong determinasyon at lakas ng loob bukod sa pagiging mabait nito. Hindi niya maiwasang mapangiti kaya pakiramdam niya ay mas lalong umusbong ang kanyang pagtingin dito. Tulad ng kanyang narinig sa ina ni Andrew, siya rin ay susuporta at tutulong din sa kanya sa abot ng kanyang makakaya.

_________

Isang linggo ang lumipas ay naging usapan pa rin sa buong campus ang mga kaganapan nung gabi ng selebrasyon ng kaarawan ni Bryan. At sa mga panahong iyon ay pilit iniiwasan ni Andrew si Bryan. Kabaliktaran naman nito si Bryan na gustung-gusto lapitan si Andrew upang kausapin ngunit hindi siya makakuha ng tyempo dahil sa higpit ng pagbantay ng kanyang mama. Dahil nasa iisang unibersidad lang sila nag-aaral ay di maiwasan ang madalas na pagkrus ng kanilang landas.  

Hanggang sa isang araw ay hindi na siya makatiis at nagpatulong na kay Troy. Kinausap niya ito sa tambayan.

"Gusto kitang tulungan tol, ngunit nagdesisyon si Andrew na hindi ka na niya kakausapin pa. Matindi ang sama ng loob nilang mag-ina sa ginawa niyo ni Tita."

"Hindi ko masisi si nanay kung magalit siya sa akin. Kaya nga gusto kong kausapin sila para magpaliwanag. Sasabihin ko rin kay Andrew na mali ang akala niya. Hindi ko gusto si Sarah, na kaibigan ko lang siya.  At hindi magbabago ang pinangako ko sa kanya. Pipilitin kong tuparin iyon."

"Gaya nga ng sabi ko kanina, nakapagdesisyon na siya tol. Balak na rin niyang tapusin itong taon at lilipat na raw siya ng school."

"What? Sa...saan naman siya lilipat? Kung aalis siya dito mawawalan sya ng scholarship, tiyak na mahihirapan siya."

"|Alam na niyang hindi na siya magiging scholar pa sa susunod na pasukan tol."

 Agad nakaramdaman ng ulit lungkot si Bryan sa kanyang mga narinig dahil ito na ang magiging hudyat ng paghihiwalay nila ni Andrew.  

"Hindi ito maari, nangako siya sa akin na hindi siya bibitaw. Ganoon na lang ba yun susuko na lang siya. At kung yan ang gusto niya wala na akong magagawa pa. Kaya please naman tol, huli na to, gusto ko lang siya talagang makausap tutal aalis na rin naman siya." ang muling pakiusap ni Bryan. Dahil sa kanyang mga narinig ay mas tumindi ang kagustuhan niyang makita ito at masabi ang lahat ng kanyang saloobin.

Sa mga oras na iyon ay pinagmamasdan ni Troy ang kanyang kausap. Kitang-kita niya ang malaking pinagbago nito sa pag-uugali. Unang pagkakataon kasing nagpakumbaba nang ganoon si Bryan. Madalas kasing kampante lang ito dahil sa lahat ng gusto nito ay nakukuha. Isa pa riyan ang lungkot sa mukha nito kabaliktaran ng pagiging presko nito na palaging nakangiti na may pagka astig. Talagang napakalaki ang naging impluwensiya sa kanya ni Andrew.

"Kung sa bagay may punto ka." si Troy. Tama naman siya, dalawang linggo na lang ang natitira at matatapos na ang school year.

"Sige tutulungan kita tol. Susubukan ko siyang kausapin mamaya. Sasabihan na lang kita kung papayag siya." ang kanyang pagpapatuloy.

"Salamat tol."

________

"Sigurado ka na ba sa desisyon mo?" ang malungkot na tanong ni Dina kay Andrew matapos sabihin nito ang kanyang naging desisyon. Nasa corridor sila ngayong dalawa habang hinihintay ang kanilang professor sa huli nilang subject sa araw na iyon.

"Oo. Mawawala na kasi ang scholarship ko sa susunod na taon. Alam mo naman na mahirap lang kami at di na kaya ni nanay ang babayaraing tuition fee."

"Grabe na talaga yang si Mam Sebastian. Tama ba yung pati ang scholarship mo ay idadamay niya. Napaghiwalay na nga niya kayo ni Papa Bryan e."

"Hindi natin siya masisisi. Naninigurado lang naman siya. At mabuti na rin to. Para makapagsimula na lang ulit kami ni nanay."

"Nakakalungkot naman. Mawawalan na ako ng kaibigan dito."

"Hindi naman ako mawawala, lilipat lang kami ng ibang lugar. At saka maaari naman tayong magtawagan di ba?" 

"Oo. Sige good luck na lang sa iyo. Basta balitaan mo na lang ako sa mangyayari sa iyo. Huwag mo akong kalilimutan"

|Hindi mangyayari yun." ang nakangiting si Andrew.

_______

"Hi babe nandito na ako!" ang masayang bati ni Sarah pagkapasok nito sa tambayan. Isang ngiti lang ang isinukli ni Bryan sa kanya.

"Oh nagdala ako ng meryenda. Binigyan ko na rin nito si Tita kanina. Tara kain na tayo." ang masiglang pag-aalok ni Sarah. Kabaliktaran naman nito si Bryan na seryoso ang mukha.

"Ang lalim ng iniisip natin ngayon ah. Anong problema babe?" ang tanong nito sabay haplos sa pisngi ni Bryan.

"Wala ito. So hmmm.... nagugutom na ako tara kain na tayo!" ang nasabi na lang ni Bryan sabay ngiti.

Kahit hindi sinabi ni Bryan sa kanya ang problema nito ay alam na iyon ni Sarah. Nabanggit na rin sa kanya ni Dr. Sebastian ang lahat. Sa sarili niya ay nabigla siya. Hindi makapaniwala na magiging ganoon si Bryan. Tulad ng sabi ng mama nito, naniniwala siya na baka naguguluhan lang ang kanyang anak at naimpluwensyahan lang siya ng Andrew na iyon. At gagawin niya ang lahat upang mapabago ito at bumalik ito sa dati. At tulad ng gusto nito, paninindigan na niya ang pagiging fiancee ni Bryan.

Kapansin-pansin kay Sarah ang pananahimik ni Bryan habang kinakain ang kanyang dalang meryenda.  Naisip niyang magbukas ng topic para magkausap sila.

"Babe, ilang linggo na tayong magkasama pero hindi mo man lang ako yayain na lumabas?" Nilagyan niya nag kaunting himig ng paglalambing ang kanyang boses.

"Pasensya ka na. Sige saang lugar ba gusto mong puntahan natin?"  ang tanong ni Bryan. Sa sarili niya ay wala siyang interes sa bagay na ito dahil ang focus ng kanyang isip ay kay Andrew. Ngunit pinagbigyan na rin niya ang gustong mangyari ng dalaga.

"Gusto ko lang naman na ibalik ang pagiging close natin tulad ng mga bata pa tayo. Pwede tayong mamasyal sa mall o kaya ay mag date para makapagbonding na rin."

"Sure. Sige bukas." ang kanyang pagsang-ayon.

________

Katatapos lang ng klase ni Andrew sa araw na iyon nang puntahan siya ni Troy sa kanilang classroom. Simula ng mga nangyari nung selebrasyon ng kaarawan ni Bryan ay mas naging madalas na ang pagsama ni Troy sa kanya. Sabay sa pagpasok at pag-uwi palibhasa ay nakikituloy siya sa bahay nito.

"How's you day?" ang ngiting tanong sa kanya ni Troy.

"Araw-araw mo na lang tinatanong yan ah."

"Syempre naman. Gusto ko lang malaman kung ano na ang nangyayari sa iyo."

"Bakit naman?"

"Dahil... sabi ni Tita na bantayan kita at alamin lahat ng ginagawa mo." ang sagot ni Troy. Ngunit sa loob niya ay iba ang gusto nitong sabihin.

"Si nanay talaga hays. Pwede bang wag na kayong mag-alala pa sa akin ok na ako oh."

"Mabuti naman kung ganoon." Sa puntong iyon ay susubukan niya ulit na gawin ang isang misyon, ang kanyang pingangako sa kanyang kaibigan na si Bryan.

"So good mood ka ngayon. Pwede na sigurong..." ang kanyang pagpapatuloy na agad pinutol ni Andrew.

"Ooops! ayan ka na naman Troy. Ayoko na nga sabi." Alam na agad ni Andrew kung ano ang ipapaalam sa kanya ni Troy.

"Matatapos na ang school year tapos lilipat ka na ng school. Kaya siguro naman ay mapagbibigyan mo na siya. Kanina habang nag-uusap kami ay nagmamakaawa na siya sa akin."

"Troy naman. Sige kung papayag ako at makakapag-usap kami may mababago ba? Wala di ba! Sabihin mo na lang sa kanya na ituon na niya sa kanyang fiancee ang kanyang atensyon."

"Yan nagagalit ka na naman sa akin. Sorry na please."

Nakapagdulot naman talaga ng inis kay Andrew ang paulit-ulit na gawaing ito ni Troy. Ngunit agad na naglaho ito ng makita niya ang mapupungay na mata nito at ang nakakabighaning ngiti habang humihingi ng sorry sa kanya.

"Oo na. Huli na ito ah. Ayoko nang marinig sa iyo yan."

"Kung iyan ang gusto mo, sige na po."

_________

"Kamusta na ang pag-aaral mo anak?" ang tanong ng ina ni Andrew. Kasalukuyan silang kumakain ng hapunan.

"Ayos lang po. Medyo marami nang pinapagawa sa amin dahil malapit na nga matapos ang sem sabayan pa ng pagrereview ko para sa final exams."

"Kaya mo yan!" si Troy. "Matalino ka naman. Makakapasa ka sa lahat ng exams mo."

"Nambola na naman siya. Kumain ka na nga lang diyan." si Andrew.

"Tsk. Ano pa nga bang ginagawa ko?" ang pilosopo nitong sagot. "Talagang kakain ako lalo na si Tita ang nagluto." pangiti-ngiting turan ni Troy.

"Takaw mo talaga, tignan mo sarili mo mataba ka na."

"Ows di nga? Totoo mataba na ako?" ang kanyang tanong. "Hindi ako naniniwala." Sabay hubad ng kanyang shirt. "Ito ba yung mataba?"

Natigil si Andrew sa kanyang ginagawang pagbibiro kay Troy. Sa halip at natulala ito sa kanyang nakita. Sa totoo lang bilib siya ka Troy , kahit kasi matakaw itong kumain ay napapanatili niya ang ganda ng katawan nito.

Napangisi lang si Troy na nagpatuloy sa pagkain. Hindi nakaligtas sa kanya ang naging reaksyon ni Andrew. Bihira lang niyang gawin ang paghuhubad at pagpapakita ng katawan nito sa ibang tao ngunit kay Andrew ay nagagawa niya ito. Siguro nga ay dahil ito sa nararamdaman niya.

"Ah nay, siya nga pala bukas aalis kami ng kaklase ko, mamamasyal lang kami." ang pag-iiba ni Andrew ng usapan.

"Ganoon ba anak, mabuti kung ganoon. Aba matagal ka na ring hindi nakakapaglibang." ang pagpayag ng kanyang ina.

"Yup dahil masyado kang focus sa pag-aaral mo. Its time na makapagrelax ka. Si Dante este si Dina ba yung kasama mo?"

"Oo. Niyaya niya lang ako, gusto lang niyang makapagbonding kami. Alam niyo naman na ilang araw na lang tapos na ang sem."

"Oh i see. Pwede bang sumama ako sa inyo?" si Troy.

Napatingin si Andrew sa kanya.

"Malapit na kayong umalis dito ni Tita. Gusto ko rin sanang makibonding sa iyo hanggat nandito ka pa. Sulitin ko na ang mga huling araw na magkakasama tayo." ang pagpapatuloy ni Troy.

May nahimigang pagtatampo at lungkot si Andrew sa tono ng boses ni Troy. Kahit siya rin ay ganoon din ang mararamdaman lalo nat mahaba rin ang panahon ng kanilang pinagsamahan. 

"Sigurado ka ba? Baka mailang ka lang sa amin. Iba kami sa mga kaibigan mo... alam mo na... di ba?" ang tanong ni Andrew.

Nakuha naman ni Troy ang ibig sabihin ni Andrew.

"Hindi, as a mater of fact gusto ko rin namang maranasan ang sumama sa ibang tao." ang tugon ni Troy.

"Sige bahala ka." ang simpleng tugon ni Andrew.

Isang nakabibighaning ngiti ang isinukli ni Troy sa kanya.

Itutuloy...


If you wish to share your own pinoy gay stories, you may send them at gaypinoystories@gmail.com.

We also value your privacy, if no author's or pen name provided, we will simply use "Anonymous" as the sender.

Thank you very much and we are looking forward to all your Pinoy M2M stories and other kwentong malilibog stories to share in our pinoy gay blog.

Post a Comment

[blogger]

Author Name

Contact Form

Name

Email *

Message *

Powered by Blogger.